Nasawi sa dengue, 491 na – DoH

Filed under Balita, Kalusugan Balita RSS RSS Feed

Sa loob lang ng isang linggo, umabot na sa mahigit 5,700 kaso ng dengue ang naitala ng Department of Health, habang 491 pasyente na ang kabuuang pumanaw sa sakit, ngayong taon.

MAMAMATAY KAYO! Nagsagawa ng fogging operations kontra lamok ang Davao City Health Office sa Bgy. Angliongto nitong Hulyo 18, 2019, kontra dengue. KEITH BACONGCO

MAMAMATAY KAYO! Nagsagawa ng fogging operations kontra lamok ang Davao City Health Office sa Bgy. Angliongto nitong Hulyo 18, 2019, kontra dengue. KEITH BACONGCO

Ito ang isinapubliko ng DoH ngayong Sabado, kung saan aabot sa 5,744 ang na-dengue nitong Hunyo 30-Hulyo 6, mas mataas ng 22% kumpara sa 4,703 naitala sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.
Dahil sa naturang mga bagong kaso ng sakit, umaabot na sa kabuuang 115,986 ang dengue cases na naitala ng DoH simula Enero 1 hanggang Hulyo 6.
Mas mataas ito kumpara sa kabuuang 62,267 kaso na naitala sa kahalintulad na petsa noong 2018, na mayroon lang 336 na pagkasawi.
Sinabi ng DoH na karamihan sa mga kaso ng sakit ay mula sa Region 6 na umabot na sa 5,826 kaso; sumunod ang Region 4A na may 12,780 kaso; Region 12 na may 9,572 kaso; at Region 10 na umabot sa 9,354 kaso; at Region 7 na may 9,259 cases.
Bumaba naman ang kaso ng sakit na naitala sa National Capital Region (NCR) na mula sa dating 8,603 noong 2018 ay naging 7,768 na lamang ngayong 2019.
Pinakaapektado umano ng sakit ay ang nasa 5-9 years age group, na 23% ng kauuang kaso, sumunod ang 10-14 years age group, na nasa 19% naman.

Mary Ann Santiago