Naglasing sa presinto, nanakit pa ng hepe

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Sinibak sa puwesto ang isang lasing na pulis sa Iloilo, makaraan niyang saktan at pagbunutan ng baril ang sarili niyang hepe.

Mismong si Police Regional Office (PRO)-6 director Brigadier General Rene Pamuspusan ang nag-utos na sibakin sa puwesto si Patrolman Joerick Ace Ilisan, na nakatalaga sa bayan ng Pototan sa Iloilo.
Nahaharap din si Ilisan sa mga kasong kriminal at administratibo sa pananakit sa hepe niyang si Major Ronnie Brillo, nang magwala siya dala ng labis na kalasingan, nitong Huwebes ng umaga.
Nangyari ang insidente makaraang kumprontahin ni Brillo si Ilisan, na naaktuhang nakikipag-inuman kay Corporal Esil Peñarubia sa loob ng bakuran ng presinto.
Sinaktan umano ni Ilisan si Brillo—na wala sa presinto nang mangyari ang insidente, dahil nakipaglamay sa isang namatay na pulis—at dumating pa sa puntong nagbunot ng baril ang suspek.
Una nang sinabi ni Pamuspusan, na wala pang isang buwan bilang regional director, na isa sa mga prioridad niya ay ang paglilinis sa hanay ng PRO-6 laban sa mga tiwali at pasaway.

Tara Yap