Jeep sinalpok ng SUV: 1 patay, 7 sugatan

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Patay ang isang jeepney driver, habang sugatan ang pitong iba pa makaraang salpukin ng humaharurot na SUV ang jeep na papalabas sa gasolinahan sa General Maxilom Avenue sa Cebu City, ngayong Sabado ng madaling-araw.

Naipit sa manibela at nasawi ang jeepney driver na si Raul Largado, habang nagtamo naman ng mga sugat at bali sa katawan ang limang pasahero niya.
Nadamay din sa bangggan ang isang motorsiklo, at nasugatan din ang dalawang sakay nito.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang hindi pa pinangalanang driver ng SUV, na lasing umano nang dalhin sa himpilan ng pulisya.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Cebu City Police Office (CCPO), patungo sa Lapu-Lapu City ang jeep, na katatapos lang magpagasolina, habang papunta namang Talisay City ang SUV.
Ayon kay Cpl.Ronilo Dignos, ng Traffic Patrol Group, sinubukan umanong mag-overtake ng SUV sa ibang sasakyan hanggang sa mabangga nito ang jeep na papalabas mula sa isang gasolinahan.
Sinabi ni Cpl. Dignos na mabilis umano ang takbo ng SUV, bukod pa sa lasing ang driver, na kakasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide and multiple injuries.

Fer Taboy