2 kidnapper, todas sa engkuwentro

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Patay ang dalawang hinihinalang kidnapper habang nasagip naman ang mag-asawang dinukot nila, matapos nilang makaengkuwentro ang mga pulis sa Antipolo City, Rizal, ngayong Sabado.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga napatay na suspek, na itinuturong kabilang sa dumukot sa mag-asawang negosyante na sina Henry Alfonso, 52, at Florida Alfonso, 55, kapwa residente ng Barangay San Roque, Antipolo City.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police, bago ang insidente ay nakatanggap sila ng sumbong na may mga indibiduwal na dinukot ng apat na armadong lalaki sa bahagi ng La Veranda, Sumulong Highway, Barangay Sta. Cruz, Antipolo City dakong 11:45 ng hatinggabi.
Ayon sa mga saksi, sakay umano ang mga biktima ng isang silver na Honda CRV (NBC-2943) at bumabagtas sa naturang lugar, patungong Antipolo City Proper nang bigla na lang silang harangin ng mga suspek, na lulan naman ng isang kulay gray at puting van.
Bumaba umano ng van ang apat na armadong lalaki, saka sapilitang tinangay ang mga biktima, patungong sa bahagi ng Baras, Rizal.
Kaagad namang nagkasa ng checkpoint ang Antipolo City Police, kasama ang mga tauhan ng PNP-Anti-Kidnapping Group at Highway Patrol Group, sa Barangay Inarawan, at naharang ang mga suspek dakong 3:15 ng madaling araw.
Tinangka ng mga pulis na pahintuin ang mga suspek ngunit sa halip na sumuko ay nanlaban umano ang mga ito at kaagad na nagpaputok sa direksiyon ng mga pulis, habang tinatangkang tumakas.
Napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa sa mga suspek, ngunit nakatakas ang dalawang iba pa.
Ligtas namang nasagip ng mga awtoridad ang mga biktima, na iniwanan ng mga suspek sa kanilang get-away vehicle.

Mary Ann Santiago