Makatutulong ang Nat’l ID System sa seguridad ng komunidad: DND

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

MAKABUBUTI ang Philippine Identification System (PhilSys) o ang National ID System para sa seguridad ng ating bansa, ito ang pahayag ni Department of National Defense (DND) spokesperson Arsenio Andolong nitong Martes.

Ayon kay Andolong, ang sistemang ito ay magbibigay ng paraan sa pamahalaan upang matiyak ang identidad ng isang indibiduwal na nakatira sa isang partikular na komunidad.

“Once the system is in place, we will be able to ascertain the identities of individuals who are in our communities and discern between Filipinos and aliens, and terrorists and law-abiding citizens. This will enable us to better secure our nation and people,” aniya sa isang pahayag sa Philippine News Agency.

At dahil nga sa mga benepisyong ito, malakas ang pagsuporta ng DND at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa programang ito.

Nauna rito, sinabi ni DND Secretary Delfin Lorenzana na ang National ID System ay lubusang makakatulong sa relief efforts sa panahon ng kalamidad.

Dagdag pa niya, “For example, as a country prone to disasters, the system will allow improved distribution of aide to legitimate disaster victims. Matters such as this can now be better addressed because of the new law.”

Makakatulong din, aniya, ang National ID System sa gobyerno upang matugunan ang kakulangan sa mga pagtukoy ng mga mamamayan na dapat mabigyan ng serbisyo ng gobyerno, na mas magpapagaan ang proseso para sa mga Pilipinong marunong sumunod sa batas.

Noong Agosto 6, 2018, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11055 na nagtatag sa PhilSys, ang proyektong magbibigay ng isang opisyal na identification card para sa lahat ng mga Pilipino at mga naninirahan sa bansa.

Sa ilalim ng batas, ang National ID ay dapat na maglaman ng PhilSys number ng may-ari, buong pangalan, kasarian, uri ng dugo, lugar ng kapanganakan, araw ng kapanganakan, marital status (optional), mobile number (optional), address, picture na nakaharap, fingerprint ng lahat ng daliri at iris scan.

Nauna ng inihayag ng Pangulo na ang PhilSys ay makakatulong sa programa ng kanyang administrasyon laban sa “social menaces of poverty, corruption, and criminal issues, as well as terrorism and violent extremism”. Ang pilot testing para sa national ID ay magsisimula na sa Setyembre hanggang Disyembre 2019.

PNA