LTO team leader, utas sa ambush

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Patay ang hepe ng enforcement team ng Land Transportation Office o LTO, habang sugatan naman ang dalawang kasama niya makaraang tambangan sila ng mga armadong lalaki sa Dacuman area, sa Barangay Ipil, Surigao City, nitong Miyerkules.

AMBUSH

Ayon sa flash report na ipinarating sa regional command ng Police Regional Office (PRO)-13 mula sa Surigao del Norte Police Provincial Office (PPO), bandang 8:00 ng umaga nitong Miyerkules nang mangyari ang ambush.
Batay sa report, katatapos lang magsagawa ng LTO checkpoint ng mga tauhan ng ahensiya, sa pangunguna ni Felixberto Loayon, 50, laban sa mga kolorum sa Dacuman nang pagbabarilin sila ng mga hindi nakilalang lalaki na armado ng mga automatic rifles.
Nasapul ng bala sa ulo ni Loayon, taga-Bgy. Luna, Surigao City, na kaagad niyang ikinasawi, ayon sa report mula sa Surigao del Norte PPO.
Nasugatan naman ang mga tauhan ni Loayon, at kaagad na isinugod sa ospital, sina Rene O. Sinangute, 45, ng Bgy. Ambago, Butuan City; at Frede V. Frediewabina, 48, taga-Taganaan, Surigao del Norte, kapwa empleyado ng Regional Land Transportation Office sa Butuan City.
“They rode their service vehicle traversing the national highway towards their office direction, but upon reaching Sitio Bioborjan, Barangay Rizal, Surigao City, a group of unidentified armed men fired towards them hitting Loayon on his head which resulted to his instantaneous death while Sinangute was hit on his arms and Frediewabina was hit on his back,” saad sa flash report ng provincial police.
“However, the driver (Sinangute) managed to drive their vehicle towards a safe area” at dumiretso sa ospital, habang nakatakas naman ang mga suspek, ayon sa police report.
Tinutugis na ng Surigao City Police ang mga suspek, habang nagkasa naman ng checkpoint ang magkakalapit na presinto ng pulisya sa lugar, sa utos ng Surigao del Norte PPO, para sa ikaaaresto ng mga suspek.
Narekober naman ng pulisya sa pinangyarihan ng ambush ang 16 na fired cartridge cases ng M16 Armalite rifle.
Samantala, sinabi naman ng umayaw na pangalanang opisyal ng Department of Transportation (DOTr)-Region 13 na posibleng may kinalaman sa kampanya kontra sa mga sasakyang kolorum ang pananambang sa grupo ng LTO.

Mike U. Crismundo