Tapales, kakasa kay Navarrete para sa WBO title

Filed under Boxing Balita RSS RSS Feed

IHAHAYAG na mandatory contender si WBO No. 1 super bantamweight contender Marlon “Marauding Nightmare” Tapales sa kampeong si Emmanuel “Vaquero” Navarrete ng Mexico kaya itatakda ang sagupaan nila sa United States sa Setyembre.

Nakatakdang idepensa ni Navarrete ang kanyang titulo Sa Agosto 17 sa Los Angeles, California sa US sa wala sa top 15 ng WBO super bantamweight rankings na kababayan niyang si Francisco de Vaca na bagamat may perpektong rekord na 20 panalo ay anim lamang ang pagwawagi sa knockouts.

Inaasahang pupuwersahin ng WBO na magdepensa si Navarrete kay Tapales bilang mandatory contender o sa nasa top 3 ng WBO rankings na sina No. 2 Juan Miguel Elorde at ranked No. 3 na si Albert Pagara na kapwa Pilipino.

May dalawang Pinoy boxer nang tinalo si Navarrete sa katauhan nina Jhon Gemino na napatigil niya sa 5th round at Glenn Porras na tinalo niya via 2nd round knockout kaya inaasahang igaganti sila ni Tapales sa Mexican boxer.

Sa dalawang huling laban sa US, pinatulog ni Tapales sa 5th round si Fernando Vargas Parra bago pinatulog sa 3rd round si Roberto Castaneda kapwa ng Mexico sa mga sagupaan sa California.

May rekord si Tapales na 33 panalo, 2 talo na may 16 pagwawagi sa knockouts kumpara kay Navarrete na may kartadang 27 panalo, 1 talo na may 23 pagwawagi sa knockouts.

-Gilbert Espeña