Do-or-die sa Spiker’s Turf title

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

NAKAPUWERSA ang PLDT Home Fibr ng winner-take-all Game 3 makaraang ungusan ang defending Spikers’ Turf Reinforced Conference champions Go For Gold-Air Force Jet Spikers, 26-24, 20-25, 25-21, 20-25, 15-13, sa Game 2 ng kanilang best-of-3 semis series nitong Linggo sa Paco Arena sa Manila.

“We have a game plan, kaso hindi na-implement nang one-hundred percent, pero medyo effective naman. Medyo tapat na sila, they trust me and tell me if they cannot play anymore, palit muna or pahinga, so yung trust medyo nakita ko na,” pahayag ni PLDT head coach Odjie Mamon.

Pinangunahan ng Adamson standout na si Paolo Pablico ang panalo ng PLDT sa itinala nitong 18 puntos kasunod si Joshua Umandal na may 16 puntos bukod pa sa 21 excellent receptions at 8 digs.

Nagdagdag naman sina Peter Quiel at John Vic De Guzman ng tig-10 puntos, kabilang na ang winning point na isang kill block ng huli kay Ranran Abdilla.

Hindi pa nakalaro para sa Power Hitters si Mark Alfafara dahil tinamaan ito ng acute gastroenteritis.

Nanguna naman para sa Air Force si Bryan Bagunas na umiskor ng 25 puntos.

Nakatakda silang magtuos muli ngayong 2:00 ng hapon para sa do or die Game 3 sa parehas na venue.

Nauna rito, nakahirit din ng Game 3 ang Sta. Elena Ball Hammers kontra top seed Cignal HD Spikers matapos ungusan ang huli, 19-25, 25-22, 21-25, 25-17, 16-14.

Pinamunuan ni Nico Almendras ang panalo ng Sta. Elena sa ipinoste niyang 17 puntos.

Nauwi naman sa wala ang game high 30-puntos ni Jude Garcia dahil bigo itong isulong na ang Cignal sa finals.

Magaganap ang Game 3 ng HD Spikers at Ball Hammers ngayong 4:00 ng hapon.

-Marivic Awitan