8 koponan sa PVL Open

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

WALONG koponan ang nakatakdang maglaban-laban sa darating na 2019 Premier Volleyball League Open Conference na magbubukas sa Agosto 10.

At ang pangwalong team na kalahok ay sister team ng defending champion Creamline, ang Choco Mucho, na pag-aari din ng Rebisco.

Pangungunahan ang koponan ng mga dating Ateneo Lady Eagles na sina Maddie Madayag, Bea De Leon, Kat Tolentino, at Kim Gequillana na miyembro ng nagkampeong Ateneo squad sa nakaraang UAAP Season 81 Women’s Volleyball Tournament kung saan nagwagi si Madayag bilang Second Best Middle Blocker, si Tolentino bilang Best Opposite Spiker, at si De Leon bilang Finals MVP.

Kasama nila ang mga beteranang players mula sa nabuwag na United Volleyball Club franchise na sina Bang Pineda, Gyra Barroga, Dancel Dusaran, Arianna Angustia, Shang Berte, at Gel Alkuino at ang mga collegiate standouts na sina Cindy Imbo ng Perpetual Help at Carla Sandoval ng University of Santo Tomas.

Magsisilbing head coach ng koponan si Ateneo coach Oliver Almadro.

Samantala, bukod sa Choco Mucho ang iba pang makakatunggali ng Creamline ay ang Reinforced Conference champion Petro Gazz Angels, PacificTown-Army Lady Troopers, BanKo Perlas Lady Spikers, Motolite Volleyball, Bali Pure Purest Water Defenders at Philippine Air Force Jet Spikers.

-Marivic Awitan