PVL title sa Creamline?

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

PORMAL na makopo ang ikatlong sunod nilang titulo ang tatangkain ng defending champion Creamline sa hapong ito sa muli nilang pagtutuos ng PetroGazz sa Game 2 ng kanilang best-of-3 series sa PVL Season 3 Reinforced Conference Finals.

Ganap na 4:00 ng hapon ang muling tapatan ng Cool Smashers at ng Angels kasunod ng Game 2 ng sariling best-of-3 series para sa third place sa pagitan ng Banko Perlas at Pacific Town Army ganap na 2:00 ng hapon at ng awarding ceremonies para sa top individual performers ng conference.

Bagamat sinasabing mayroon silang bentahe pagdating sa championship experience dahil sa pagwalis nila sa nakalipas na dalawang conferences, naniniwala ang Cool Smashers na hindi naman pahuhuli ang Angels dahil pawang beterano na ang kanilang mga players kahit unang pagkakataon pa lamang nilang lumaban sa finals.

“Actually, its been a while na intense ang Finals. Ang katapatan mo veterans, ang katapatan mo masyadong malalakas,”pahayag ni Creamline ace hitter Alyssa Valdez.

Gayunman, ayon kay Valdez, mananatili ang Cool Smashers sa paggamit ng “happy-happy” at “heartstrong” mantra ng kanilang Thai coach na si Tai Bundit na malaki anoya ang naitulong sa nauna nilang dalawang kampeonato kontra PayMaya at Ateneo-Motolite noong nakaraang season.

“I guess mina-mindset lang sa amin ni coach Tai [Bundit] all the time na to play happy, na walang pressure. Kasi if we pressure ourselves to be perfect dun mahihirapan eh,” ani Valdez.

Ngunit, ayon pa sa ipinagmamalaking spiker ng San Juan, Batangas, maghahanda din silang mabuti sa Game 2.

“Lahat ng preparation paghahandaan namin sa Game 2 muna and for sure yung PetroGazz, kitang-kita namin sa latter part of the set very eager sila, nandoon ang passion nila, ang heart nila so for sure dadalhin nila yun sa second game,” wika ni Valdez.

Sa kabilang dako,naniniwala namang napagkaitan ng pagkakataong lumaban hanggang dulo noong Game 1, gigil namang bumawi ang Angels at isagad ang serye sa do-or-die Game 3.

Inaasahang gagawing pangunahing motivating factor ng PetroGazz ang itinawag na over reaching violation sa fourth set kay Cherry Nunag na nagsilbing winning point para sa Cool Smashers.

Marivic Awitan