Tigil-pasada sa Lunes, kasado na

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Nakakasa na ang tigil-pasada ng mga jeepney sa Lunes, Hulyo 15, laban sa PUV Modernization Program ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

AYAW NGA! Taong 2017 pa lang ay nagkakasa na ng mga tigil-pasada ang iba’t ibang transport groups kontra sa PUV modernization program ng pamahalaan, gaya ng isang ito na isinagawa sa España Boulevard sa Maynila noong Oktubre 16, 2017. (CZAR DANCEL, file)

AYAW NGA! Taong 2017 pa lang ay nagkakasa na ng mga tigil-pasada ang iba’t ibang transport groups kontra sa PUV modernization program ng pamahalaan, gaya ng isang ito na isinagawa sa España Boulevard sa Maynila noong Oktubre 16, 2017. (CZAR DANCEL, file)

Ayon kay Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) President Efren De Luna, magtitipun-tipon sila sa harap ng Quezon City Memorial Circle bandang 8:00 ng umaga sa Lunes bago dumiretso sa harap ng tanggapan ng LTFRB kung saan sila magsasagawa ng mga programa.

Maaapektuhan ng tigil-pasada ang ilang lugar sa Pasig City, Quiapo sa Maynila, Montalban sa Rizal, Sucat sa Parañaque City, at Caloocan City, ayon kay De Luna.

Aniya, mayroong 475,000 miyembro ang ACTO sa ibang bansa.

Iginiit ng ACTO na isa umanong kasinungalingan ang PUV modernization, dahil hanggang ngayon ay wala umanong bangko na nagpapautang sa kooperatiba, kaugnay ng modernong jeep na pamasada, na hindi naman kayang bayaran ng mga driver.

Pinangangambahan din ng mga tsuper ang tatlong taong deadline ng LTFRB, na magtatapos ngayong 2019, gayung ang mga grupo ng transportasyon ay walang inaasahang terminal at wala ring bago at modernong sasakyan.

Sa 2020, lubos nang ipatutupad ang phase-out, ayon kay De Luna.

Anila, kailangan na maiparating kay Pangulong Duterte ang hinaing ng mga tsuper ng jeep laban sa PUV modernization bago ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa Hulyo 22.

-Jun Fabon