Penalosa, handa vs South African

Filed under Boxing Balita RSS RSS Feed

HANDA na ang walang talong si Carl “The Hunter” Penalosa na kasahan si Lerato “Lights Out” Dlamini ng South Africa para sa bakanteng World Boxing Council (WBC) International featherweight title ngayon (Hulyo 12) sa King Abdullah Sports City sa Jeddah, Kigdom of Saudi Arabia.

Kilala ang 25-anyos na si Penalosa na mataktika at madiskarteng boksingero na dalawang beses nang lumaban at nanalo sa mga Thai boxer sa Macau, China hindi katulad ni Dlamini na ngayon pa lamang lalaban sa labas ng South Africa.

“Maaga kong tatapusin ang laban na ito,” pangako ni Penalosa na nagwagi sa kanyang huling laban kay Marcos Cardenas ng Mexico via 4th round TKO para matamo ang bakanteng World Boxing Organization (WBO) Oriental featherweight title sa SM City North EDSA Skydome in Quezon City noong nakaraang Pebrero 16.

Nagwagi rin si Dlamini laban kay Haidari Mchanio ng Tanzania para makuha ang International Boxing Federation (IBF) Continental Africa featherweight title noong nakaraang Oktubre 21, 2018 sa South Africa.

May kartada si Dlamini na 12 panalo, 1 talo na may 6 pagwawagi sa knockouts kumpara kay Penalosa na may perpektong rekord na 15 panalo, 11 sa pamamagitan ng knockouts.

-Gilbert Espeña