NorCot gov., suspendido ng 90 araw

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Pinatawan ng Sandiganbayan ng 90 araw na suspensyon sa kanyang puwesto si North Cotabato Governor Nancy Catamco dahil sa umano’y pagkakasangkot sa fertilizer fund scam, noong 2004.

SUSPENSION

Ang kautusan ng 6th Division ng anti-graft court ay may petsang Hulyo 4 ngunit isinapubliko lamang kahapon.

“Any incumbent public officer against whom any criminal prosecution under a valid information under this act…shall be suspended from office,” paliwanag ng hukuman at ginamit na dahilan ang kinakaharap na kaso ni Catamco na paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019).

Sa rekord ng korte, nag-ugat ang kaso dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ni Catamco ng liquid fertilizer na nagkakahalaga ng P5 milyon 15 taon na ang nakararaan kung saan kongresista pa ito ng ikalawang distrito ng naturang lalawigan.

Nauna nang kinuwestiyon ng gobernador ang kautusan dahil wala umano itong basehan kasabay na rin ng paghahain nito ng mosyon sa anti-graft court na nagsasabing dapat na munang hintayin ang desisyon ng petisyon nito sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa validity ng kinakaharap na kaso nito.

Gayunman, ipinaliwanag ng korte na walang merito ang ipinaglalaban ni Catamco kaya itinuloy ang suspensyon nito.

-Czarina Nicole Ong Ki