Duterte, walang bantang panganib sa SONA

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Walang panganib sa pagsasagawa ng ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa House of Representatives sa gitna ng tensiyon sa naganap na pambobomba sa Mindanao, kamakailan.

SONA

Ito ang tiniyak ni House of Representatives (HOR) Sergeant-at-Arms retired military Gen. Romeo Prestoza.

Wala aniya silang natatanggap na banta kaugnay ng SONA ng Pangulo sa Hulyo 22, 2019.
“When it comes to security threats, wala pa namang substantial, meaning talagang wala pang nakarating na actual na threat,” ani Prestoza.
Sinabi niyang ang pambobomba sa Mindanao ay tinalakay nila at pinag-aralan kaugnay ng preparasyon sa seguridad ng

Pangulo at ng Kamara sa SONA.

Matatandaang pinasabog ng dalawang suicide bomber ang isang kampo ng military sa Indanan, Sulu kamakailan.

Isang Pilipino ang suicide bomber.
“Well part of it kasi, sa experience ko kasi I’ve been an intelligence officer for 27 years, those things talagang kino-consider namin. Hindi namin pinapabayaan, tinitingnan namin,” sabi ni Prestoza.

Kahit wala aniyang silang natatanggap na impormasyon tungkol sa pambobomba, nagsagawa na sila ng magandang koordinasyon sa intelligence units ng AFP at PNP upang suriin ang ano mang posibleng panganib sa Kamara o kay President Duterte sa panahon ng SONA.

“That’s why we initiate ‘yung direct na contact with the NICA (National Intelligence Coordinating Agency), ISAFP (Intelligence Service, Armed Forces of the Philippines) and other intelligence units to see kung meron talagang connection or possibility na umabot dito. But as of this time, wala naman kaming nakikita pa,” bigay-diin ni Prestoza. Bert de Guzman