428 patay sa dengue ngayong 2019

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Iniulat ng Department of Health na umaabot na sa 428 katao ang binawian ng buhay dahil sa dengue, sa unang anim na buwan ng kasalukuyang taon.

Richard “Buang” Prevendido

Batay sa datos ng Epidemiology Bureau ng DoH, ang naturang bilang ng mga nasawi sa dengue ay kabilang sa 98,179 na kabuuang kaso na naitala sa bansa simula Enero hanggang Hunyo ngayong 2019.

Pinakamaraming nasawi sa dengue sa Region 6 (Western Visayas), na naitala sa 70; kasunod ang Region 7 (58 pagkamatay), Mimaropa (43), Calabarzon (41), Zamboanga Peninsula (40), Soccsksargen (29), National Capital Region (26), Cagayan Valley (23), Southern Mindanao (22), at Bicol Region (21).

Pinakamarami namang na-dengue sa Region 6, na 11,285 ang dinapuan ng sakit, kasunod ang Calabarzon (10,313), Region 7 (8,773); Soccsksargen (8,297), Region 10 (8,289), Zamboanga Peninsula (7,724), at NCR (7,010).

Nabatid na ang mga na-dengue ay wala pang isang taong gulang hanggang 100 anyos, bagamat pinakaapektado ang age group na 5-9, na may 22,715 kaso, o 23% ng kabuuang bilang.

Ayon sa DoH, nitong Hunyo 16-22 lang ay umabot na sa 3,610 dengue cases ang naitala ng kagawaran, o 8% na mas mataas kumpara sa kaparehong panahon noong 2018, na may 3,330 kaso lang.

-Mary Ann Santiago