Spiker’s Turf Final Four sa Paco Arena

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

Mga Laro Ngayon

(Paco Arena)

2:00 n .h. — Air Force vs PLDT

4:00 n.h. — Cignal vs Sta. Elena

UMAATIKABONG tunggalian ng apat na koponan sa 2019 Spikers’ Turf Reinforced Conference ang inaasahang matutunghayan ngayong hapon ng kani-kanilang best-of-three semifinals series sa Paco Arena sa Manila.

Pangungunahan ni reigning league Most Valuable Player Marck Espejo ang top-seeded Cignal HD Spikers sa tangka nilang pagbawi ng korona na naagaw sa kanila ng Air Force noong nakaraang taon.

Haharapin nila ang Sta.Elens Ball Hammers, ang nag-iisang koponan na naglagay ng bahid sa kanilang rekord sa nakaraang elimination round (10-1) na pamumunuan naman ni Edward Camposano sa tampok na laban ganap na 4:00 ng hapon.

Ang naturang nag-iisang pagkabigo ang gagamiting hamon ng HD Spikers at ni Espejo para talunin ang Ball Hammers ngayong semis.

“Kami yung gauge nila, kami yung pinaghahandaan nila. So para sa amin, wakeup call nga, so sa mga next games namin, ito yung magiging lesson at motivation namin,” ani Espejo.

Bagama’t natalo naman nila ang Cignal noong eliminations, batid ng Sta. Elena ang kapasidad ng HD Spikers at ang bentahe ng mga ito sa ganitong playoff round.

“Kahit natalo namin sila, [mag] hard work pa din kami kasi malakas ang Cignal, kumpleto eh. Kumbaga, ‘di kami pwedeng magrelax sa game, push lang talaga,” ayon kay Sta.Elena team captain James Natividad.

Ang guest team Rebisco-Philippines ang talagang tumapos na pang-apat, ngunit dahil sa tournament rules hindi na sila puwedeng lumaro sa semis kaya napunta sa fifth-seeded Ball Hammers ang pang-apat na Final Four spot.

Sa unang laro, ganap na 2:00 ng hapon, sasandig naman ang defending champions Go-For-Gold-Air Force Jet Spikers na magbubuhat sa 8-game winning streak, kina national team members Ranran Abdilla at Bryan Bagunas.

Makakabalikat din nila ang mga idinagdag nilang mga de kalibreng manlalaro na sina Kim Malabunga, Madz Gampong at Francis Saura.

Kapwa tumapos na may 10-1 marka ang Air Force at ang Cignal, ngunit bumaba sa No.2 ang Jet Spikers dahil sa mas mataas na tiebreak points ng huli.

Makakasagupa ng Jet Spikers ang PLDT Home Fibr Power Hitters na pamumunuan naman nina Mark Alfafara at John Vic De Guzman

“Nae-excite kami kasi ayun nga, last conference tinalo nila kami so sana mabawian namin sila ngayong semifinals,” pahayag ni De Guzman.

“Siguro ano, kumbaga nandoon pa din na parehas teams gusto manalo pero at the end of the day kasi, [kung] sino yung mas gustong manalo,yun ang nagwawagi.”dagdag naman ni Alfafara.

-Marivic Awitan