Party-list solon, viral sa pananapak

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Inuulan ng batikos ngayon mula sa netizens ang kahahalal lang na si Ang Probinsiyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos, makaraang mag-viral ang mga litrato at CCTV footage ng pananapak umano nito sa waiter sa isang kainan sa Legazpi City, Albay nitong Hulyo 7.

SOLON_please remove #54

Batay sa police blotter na nakuha ng BALITA, kinilala ang biktimang si Christian Kent Alejo y Ecleo, 20, taga-Barangay 15, Legazpi City, habang taga-siyudad din ang kongresista.

Sa excerpt mula sa blotter report ng Police Community Precint (PCP)-2 na may petsang Hulyo 7, 2019, na itinala ni Senior Sgt. Gerald Bautista, sinabi ni Alejo na bandang 3:40 ng umaga nang araw na iyon, at nagtatrabaho siya sa Biggs Diner nang mangyari ang insidente.

Sinapak umano si Alejo ni Delos Santos nang walang dahilan, bagamat masuwerteng nailagan ng biktima ang nasabing suntok.

Tinangka ng BALITA na makuha ang panig ni Alejo pero tumanggi itong magpa-interview, bagamat sinabi ng kanyang pamilya na magsasampa sila ng kaso.

Sinikap din ng may akda na mahingan ng komento ang kongresista, pero wala itong tugon hanggang sa isinusulat ang balitang ito.
Sinabi naman ni Atty. Bartolome Rayco, abogado ng pamilya Alejo, na desidido ang biktima na kasuhan si Delos Santos.

“Nung pumunta sa akin ang pamilya, desidido talaga ‘yung pamilya na magsampa ng kaso,” ani Rayco.

Ayon sa abogado, maghahain si Alejo ng slight physical injury o maltreatment  para sa kasong kriminal, at grave misconduct o simple misconduct para sa kasong administratibo.

‘WE WILL NOT TOLERATE’

Tiniyak naman kahapon ng Ang Probinsiyano Party-list na hindi nito kukunsintihin si Delos Santos, at sinabing magsasagawa ito ng sariling imbestigasyon sa insidente.

Kinumpirma ni Atty. Joco Sabio, tagapagsalita ng party-list, na nagsimula nang magsiyasat ang kanilang grupo sa nangyari.

“Definitely we will not tolerate any kind of abuse in our party. We will not hesitate to suspend or even remove Congressman Delos Santos if we establish that this was an unprovoked attack,” ani Sabio.

Iginiit naman ni Sabio na mahalagang maipaliwanag muna ni Delos Santos ang panig nito sa nangyari.

-Niño N. Luces at Bert de Guzman