Iloilo: Hospital beds para sa na-dengue, kinukulang

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Nag-uumapaw na sa mga ginagamot sa dengue ang 12 pampublikong ospital sa Iloilo, na kasalukuyang may dengue outbreak.

DENGUE
Inamin ni Iloilo Gov. Arthur “Toto” Defensor, Jr. na hindi sapat ang mga kuwarto sa mga ospital para tanggapin ang mga pasyenteng may dengue.
“But not all hospitals have patients overflowing along halls or corridors,” sinabi ni Defensor makaraang magsagawa ng ocular inspections.
Ayon kay Dr. Paz Calopiz, Hospital Management Office chief, kasunod ng dengue outbreak, lumobo sa 305% ang occupancy rate sa 12 ospital sa lalawigan, dahil nananatili sa pagamutan ng apat hanggang limang araw ang mga ginagamot sa dengue.
Hanggang nitong Miyerkules, ang district hospital sa bayan ng Balasan ay may occupancy rate na 960%. Sa 25-bed capacity, ang ospital ay mayroong 243 pasyente sa ngayon, kabilang ang 138 na-dengue.
Nag-uumapaw din sa mga pasyente ang district hospital sa Barotac Veijo, na may 26 na pasyenteng may dengue, gayung 10 lang ang kama nito.
Sinabi pa ni Calopiz sa BALITA na hindi na rin ma-accommodate ang mga pasyenteng inililipat sa dalawang pampublikong ospital sa Iloilo City, dahil sa napakaraming pasyente ng dengue.
Samantala, kasalukuyan namang tumatanggap ang gobernador ng mga donasyong folding beds.
Ayon kay Defensor, ang mga nasabing donasyon ng Philippine Red Cross (PRC Iloilo) at ng pilantropong si Tommy Que ay naipamahagi na sa 12 ospital sa lalawigan.

Tara Yap