Creamline vs PetroGazz sa PVL Game 1

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

Mga Laro Ngayon

(Filoil Flying V Center)

3:00 n.h. — Pacific Town Army vs Banko Perlas

5:00 n.h. — Creamline vs PetroGazz

SISIMULAN ng defending champion Creamline ang tangkang pag-angkin ng ikatlo nilang titulo kontra sa bago na namang katunggali ngayong hapon sa pagbubukas ng PVL Season 3 Reinforced Conference best-of-3 finals series sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Makakatunggali ng Cool Smashers sa kanilang ikatlong finals appearance ang PetroGazz Angels na sasabak sa title match sa unang pagkakataon.

Ganap na 5:00 ng hapon ang Game 1 ng kanilang finals series kasunod ng unang laro sa isa ring best-of-3 showdown para sa third place ng Pacific Town Army at Banko Perlas ganap na 3:00 ng hapon.

Sasandigan ng Creamline ang kanilang naging karanasan sa unang dalawang kampeonato na kanilangpinagdaanan.

“Every finals, actually, iba-iba ang kalaban namin and it’s good kasi alam namin na we are consistent as a team, consistent in our teamwork, in our preparation and in our practices,” pahayag ng beteranong opposite spiker ng koponan na si Michelle Gumabao.

Kasama ni Gumabao na inaasahang mamumuno sa Creamline sina Thai import Kuttika Kaewpin, top hitter Alyssa Valdez, middle Risa Sato at setter Jia Morado.

Bagama’t bago sa team, hindi naman maituturing na bagito ang isa pa nilang import na si Venezuelan Aleoscar Blanco.

Sa panig ng Angels, sisikapin naman nilang hindi masayang ang pagkakataon na umabot sila ng finals.

“Na-reach na namin ang target(finals) namin, pero since na nandito na kami ibang usapan na ‘yan. Ibibigay na lahat. Bigay todo na ‘to, to get the championship,” pahayag naman ni PetroGazz coach Arnold Laniog.

Muling sasandigan ng Angels upang pamunuan ang kanilang finals campaign ang mga high scoring imports nilang sina Wilma Salas ng Cuba at Amerikanang si Janisa Johnson.

-Marivic Awitan