Abra councilor, patay sa ambush

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Tinututukan ng binuong Special Investigation Task Group ang imbestigasyon upang matukoy ang pumatay sa bagong halal na konsehal sa bayan ng Pilar, Abra.

Sa text message ni Abra Provincial Police Office director Colonel Alfred Dangani, kinilala nito ang biktima na si Pilar Councilor Amante Doral, 63, ng Barangay Kinabiti.
Nilinaw ng opisyal na bagamat wala pang malinaw na motibo sa pagpaslang ay prioridad ngayon ng SITG na maresolba ang kaso.
Sa paunang report, bago ang insidente ay dumalo sa flag raising ceremony sa munisipyo si Doral.
Pagkatapos nito, pauwi na ang biktima at sumakay siya sa kanilang tricycle, na minamaneho ng anak niyang na si Jocker.
Pagdating nila sa Sitio Potpotong, Bgy. Narnara, bigla na lamang silang pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang lalaki.
Dead on arrival sa Pilar Rural Health Unit ang biktima dahil sa mga tama ng bala sa katawan habang nasa ligtas namang kalagayan ang anak niya.

Rizaldy Comanda