Killed teen, una nang nagkaso sa gay suspect

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Tinutugis pa rin ang lalaki na sinasabing pumatay nitong Huwebes sa isang 15-anyos na lalaking estudyante sa loob ng classroom sa Calamba City, Laguna, kasunod ng pagkumpirma ng pulisya na ilang araw pa lang ang nakalilipas nang kasuhan ng binatilyo ng sexual abuse ang suspek.

Una nang lumutang ang anggulo ng selosan sa insidente, batay sa police reports, dahil sinasabing may relasyon umano ang estudyante sa suspek na si Renan Valderama, alyas Renz Ivan Valderama, security guard ng KFSS.
Ayon kay Calamba City Police chief, Lt. Col. Jacinto Malinao, isa pang bading ang nag-udyok umano sa binatilyo na magharap ng apat na bilang ng sexual abuse laban kay Valderama, at nalaman umano ito ng huli.
Ngayong Hulyo lang umano nagharap ng demanda ang binatilyo laban sa suspek sa isang korte sa Calamba, ayon kay Lt. Col. Malinao.
Matatandaang tanghali nitong Huwebes nang pumasok si Valderama sa compound ng high school sa Barangay Masili, at dumiretso sa classroom ng binatilyo, at dalawang beses na binaril sa ulo ang huli.
Isinugod ang biktima sa HealthServe Hospital sa Los Baños, kung saan idineklara itong brain dead, hanggang sa tuluyang bawian ng buhay bandang 4:09 ng hapon.
Ayon kay Lt. Col. Malinao, nalaman umano ng suspek na nali-link ang binatilyo sa iba, at ito ang sinisilip na pangunahing motibo sa pagpatay.
Patuloy namang tinutugis ng pulisya ang suspek habang isinusulat ang balitang ito.

Danny Estacio