Wedding ni Angel, later part pa ng 2020

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

“EARLIEST, November 2020.”

ANGEL

Ito ang isinagot ni Angel Locsin ngayong Linggo nang tanungin namin siya kung kailan sila magpapakasal ni Neil Arce, isang araw makaraang ihayag ng aktres sa Instagram ang engagement nila, bandang 4:00 ng hapon nitong Sabado.

“Matagal pa, earliest Nov 2020,” text sa amin ni Angel.

Ilang oras makaraan ang series of post ni Angel ng mga litrato habang suot ang kanyang engagement ring, at kasabay ng pagba-viral ng nasabing proposal, kumalat din ang video ni Iza Calzado na sobrang nagulat at natuwa nang mabalitaan ang engagement ng kanyang kaibigan.

“Ha, ha, ha, ang cute mo mars @MissIzaCalzado,” tweet ni Angel nitong Sabado nang hapon nang mapanood niya ang reaksyon ni Iza habang nakasakay sa pick-up ang huli nang dumalo sa parada para sa 2019 Metro Manila Pride March na ginanap sa Marikina City.

Sinuportahan ni Iza ang mga kaibigang miyembro ng LGBTQIA+ community at may nagsabi sa aktres na engaged na si Angel kay Neil.

Matagal nang magkaibigan sina Angel at Iza at nagkasama sila sa pelikulang Sigaw (The Echo, 2004) at Mulawin: The Movie (2005) na parehong produced ng GMA Films.

Base sa viral video ni Iza, may nagsabi sa kanyang engaged na nga si Angel kay Neil at dahil hindi niya marinig ay idinaan lang sa senyas na may isinuot na singsing, sabay palakpak to the max.

Eksaktong 4:00 ng hapon nitong Sabado nang sabay ipinost nina Angel at Neil ang mga litratong kuha sa isang lugar kung saan nag-propose ang binata.

Sa ipinost na larawan ni Neil sa kanyang IG na nakatalikod habang may hawak na singsing at papalapit kay Angel na silhouette ang kuha, caption niya, “Excuse me miss. I have a question.”

At nang sumagot ng ‘yes’ si Angel ay niyakap niya ang dalaga, at caption niya sa naturang litrato, “Thank you for allowing me to be with you, take care of you and most of all love you for the rest of my life.”

Kaliwa’t kanan ang bumati sa dalawa nitong Sabado at talagang trending sila sa social media. Wala nga raw tigil sa katutunog ang cell phone ni Neil (humingi naman siya ng dispensa) habang nasa meeting siya with the FDCP Chairperson, Liza Diño para sa 3rd Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP).

-Reggee Bonoan