Repair sa nasira sa Roxas Blvd., matatagalan

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Aabutin ng isa hanggang dalawang linggo bago masimulan ang pagsasaayos sa bumigay na bahagi ng kalsada sa panulukan ng Remedios Street at Roxas Boulevard sa Maynila.

BINAKURAN Makikita sa aerial shot ang nababakuran ng plastic barriers na napinsalang bahagi ng Roxas Boulevard sa Maynila. (ALI VICOY)

BINAKURAN Makikita sa aerial shot ang nababakuran ng plastic barriers na napinsalang bahagi ng Roxas Boulevard sa Maynila. (ALI VICOY)

Sinabi ngayong Miyerkules ng Department of Public Works and Highways (DPWH) South Manila District Engineering Office na gugugol ng hanggang dalawang linggo ang soil exploration sa nasirang kalsada, na sumasakop sa panulukan ng Roxas Boulevard at Remedios Street hanggang MH Del Pilar Street sa Maynila.

Sa ngayon, hindi pa matiyak ng ahensiya ang eksaktong petsa para sa pagsasaayos sa kalsada, na balak nang isunod sa kasalukuyang standard design ng DPWH.

Linggo nang ma-trap ang isang 14-wheel truck na may kargang tone-toneladang buhangin sa limang talampakang butas sa kalsada habang papunta sa Manila Baywalk para mag-deliver sa Manila Bay rehabilitation project.

Hindi umano kinaya ng kalsada ang 42-toneladang truck, kasama ang karga nitong buhangin, na sa kabuuan ay lumampas sa 20-toneladang capacity nito.

Samantala, pinaiimbestigahan na rin ni DPWH Secretary Mark Villar sa South Manila District Engineering Office ang insidente.

-Betheena Kae Unite