P7.1-M shabu, nasabat sa teenager

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Aabot sa mahigit P7 milyon halaga ng shabu ang nasamsam ng mga pulis mula sa hinihinalang miyembro ng sindikaton ng droga, sa buy-bust operation sa isang hotel sa Caloocan City, nitong Martes ng gabi.

TEEN

Kinilala ang nadakip na si Jaymark Marcene, 18, alyas “Mac-Mac” at “Kapre”, binata, naninirahan sa Pasay City.

Nakumpiska umano mula sa teenager ang 10 transparent plastic bag na may 100 gramo ng shabu, isang plastic sachet na may 50 gramo ng shabu, at P1.2 milyon marked money.

Umabot sa kabuuang 1,050 gramo ng shabu ang narekober mula sa suspek, na may kabuuang halaga na P7,140,000.

Batay sa record ng pulisya, si Mancene umano ay trusted man ni Edgardo Mongado Co, Jr., leader ng “Mongados Group”, na sangkot sa illegal drug activities, at kumikilos sa Cavite, Rizal, Pasay City, at Makati City.

Dakong 10:00 ng gabi nang ikinasa ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Pasay City, at Caloocan City Police, ang buy-bust para makabili ang pulis na poseur buyer ng P1.2-milyon shabu.

Gayunman, nagbago umano ng isip si Marcene at napagkasunduang gawin ang transaksiyon sa isang motel sa panulukan ng 2nd at Rizal Avenues sa Caloocan.

Pagtanggap ni Marcene ng pera ay dinamba na siya at pinosasan ng mga pulis.

Kakasuhan ang teenager ng paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).

-Orly L. Barcala