Ambulansya vs truck: 3 patay, 3 sugatan

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Tatlong katao ang nasawi habang tatlong iba pa ang nasugatan nang magsalpukan ang isang ambulansya at delivery truck sa San Juan, La Union, kahapon.

(kuha ni ERWIN BELEO)

(kuha ni ERWIN BELEO)

Dead on arrival sa ospital sina Cecilia Hufano, 54, ng Viente Reales, Valenzuela City; Samuel Hufano, 59, ng Bgy. Pao Norte, San Fernando City, La Union; at Jessie Acorda, 49, ng Valenzuela City.

Isinugod din sa pagamutan ang tatlong sugatan na sina Paulino delos Santos, 62, driver ng ambulansya; Descyrie Hufana, 15, ng Viente Reales, Valenzuela City; at isang babae na hindi pa rin nakikilala.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, ang insidente ay naganap sa national highway, Bgy. Ili Norte ng nasabing bayan, kahapon ng umaga.

Sa pagsisiyasat ng San Juan Municipal Police, kagagaling lamang ng ambulansya sa isang ospital sa Batac, Ilocos Norte kung saan sinundo ang isang pasyente na ililipat sa Valenzuela City.

Habang pabalik na ang ambulansya sa Valenzuela City, sakay ang nasabing pasyente, bigla na lamang umanong sinalpok ito ng delivery truck na minamaneho ni Sebastian Torrentio, 51, ng Urdaneta City, Pangasinan.

Sinabi ng pulisya na mabilis ang takbo ng truck nang sakupin nito ang linya ng ambulansya na nagresulta sa nasabing trahedya.

Ayon pa sa pulisya, nahirapan ang mga rescuer na hugutin sa ambulansya ang mga pasahero dahil sa pagkaipit ng mga ito.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Torentio at nakatkdang sampahan ng kaso.

-Erwin Beleo