P6.8-M shabu sa 3 syndicate members

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Nasa kabuuang P6.8 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa tatlong pinaniniwalaang miyembro ng sindikato, sa buy-bust operation sa Mandaluyong City, nitong Lunes.

Iniharap sa media ni NCRPO chief, P/Maj. General Guillermo Eleazar ang tatlong hinihinalang miyembro ng sindikato, na nasamsaman ng P6.8 milyong halaga ng shabu, sa buy-bust operation sa Mandaluyong City, nitong Lunes. (NCRPO – PIO)

Iniharap sa media ni NCRPO chief, P/Maj. General Guillermo Eleazar ang tatlong hinihinalang miyembro ng sindikato, na nasamsaman ng P6.8 milyong halaga ng shabu, sa buy-bust operation sa Mandaluyong City, nitong Lunes. (NCRPO – PIO)

Kakasuhan sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sina Raihana Pontino, Aliola Sultan, at Jassir Panggaga.

Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), na pinamumunuan ni P/BGen Christopher Tambungan, inaresto ang mga suspek ng pinagsanib na puwersa ng Mandaluyong City Police at Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), sa pakikipagtulungan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-National Capital Region (NCR) Regional Office, sa buy-bust operation sa isang gasolinahan sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City, dakong 11:25 ng gabi.

Nakuha sa mga suspek ang isang kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng P6.8 milyon at nakasilid sa limang plastic, na ipinagbili sa poseur-buyer sa halagang P800,000; at 10 maliit na plastic pack, na humigit-kumulang tig-50 gramo ang bawat isa; walong bundle ng P1,000 bill na buy-bust money, na katumbas ng P800,000; at silver gray na Toyota Revo, na ginagamit umano ng mga suspek sa pagde-deliver ng kontrabando.

Sinasabing miyembro ang mga suspek ng syndicated criminal gang, na konektado sa grupong pinamumunuan ni Ahmin Buratong, na kasalukuyang nagsisilbi ng sentensiya sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa dahil sa kasong illegal drug trafficking, ngunit patuloy pa ring nag-o-operate sa Metro Manila at Rizal.

“Itong grupo konektado kay Ahmin Buratong na nakakulong sa Bilibid pero may kasamahan na ginagamit para sa pag-distribute ng droga sa Pasig ang center of operations pati Eastern District, Metro Manila and nearby provinces,” ayon kay NCRPO chief, P/Maj. General Guillermo Eleazar.

Mary Ann Santiago