Benepisyong hatid ng road rehab project sa 13K residente ng Pangasinan

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

UMINGAN, Pangasinan – Mapapakinabangan na ng nasa 13,194 residente ng anim na barangay sa bayan ito ng Umingan, sa Pangasinan ang mas magandang kalidad ng daan matapos ang rehabilitasyon ng 10.63-kilometer Gonzales-San Juan farm-to-market road sa ilalim ng Philippine Rural Development Project (PRPD).

Sa pagbabahagi ni Provincial Engineer Antonieta delos Santos, sinabi nitong ang 10-meter wide road project ay makatutulong sa mga residente ng barangay Gonzales, Prado, Casillan, Luna Weste, Concepcion, at San Juan sa bayan.

“The road area used to be of gravel but now it is smooth making travel of residents and transport of their goods easier and more comfortable,” ani delos Santos sa isang panayam kamakailan.

Ibinahagi rin niya na ang rehabilitasyon ng kalsada ay nagsimula noong huling bahagi ng 2017 at nasa 73 porsiyento nang tapos nitong Mayo 31 ngayong taon.

Aniya, ang natitirang apat na kilometrong bahagi ng proyekto ay inaasahang matatapos din, sa pagpapatuloy ng konstruksiyon sa kabila ng pagpasok ng tag-ulan.

Ayon pa kay Delos Santos, ang P118.67-milyong road rehabilitation project ay pinondohan ng World Bank, ng pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA), at ng probinsiyal na pamahalaan ng Pangasinan.

Ang World Bank ang naglaan ng pondo na nagkakahalaga ng P89 milyon o na 80 porsiyento ng kabuuang gastos ng proyekto, naglaan naman ang probinsiyal na pamahalaan ng P18.547 milyong pondo bilang kanilang bahagi, habang ang Department of Agriculture ay naglaan ng nasa P11.127 milyong pondo para sa proyekto.

PNA