Karugtong na dapat pang paigtingin

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

SA pagpapalit ng pangasiwaan sa aming lalawigan sa Nueva Ecija, wala akong makitang malaking pagbabago sa mga plataporma na isinulong ni out-going Governor Zsarina ‘Cherie’ Umali — mga programa na naging bahagi ng pamumuhay ng mga Novo Ecijano. Manapa, ang nasabing advocacy at mga proyekto ay marapat pang paigtingin ni in-coming Governor Aurelio ‘Oyie’ Umali upang madagdagan ang mga biyaya at iba pang pakinabang na matatamo sa bagong administrasyon.

Ang mga programa ng hahalinhang pangasiwaan ay kinapapalooban ng pagpapanatili ng katahimikan at pagkakaunawaan, pagkakaloob ng mga serbisyong panlipunan, lalo na kung ang aming lalawigan ay sinasalanta ng mga kalamidad. Bahagi rin ng programa, ayon kay Atty. Al Abesamis, NE Provincial Administrator, ang pagsusulong ng mga proyekto tungo sa pagpapaunlad ng agrikultura; ayuda sa mga magbubukid upang ang aming lalawigan ay manatiling rice granary ng Pilipinas.

Sa bahaging ito, hindi marahil isang kalabisan na hilingin sa sisingkaw na administrasyon, sa pamamagitan ni Atty. Al, na maglunsad naman ng naiibang proyekto — pagtatanim ng fruit-bearing trees — na naglalayon ding makatulong nang malaki sa mga magsasaka at ng iba pa nating kapatid na katutubo. Magiging epektibong bahagi rin ito ng reforestation project tulad ng pagtatanim ng iba’t ibang namumungang mga punongkahoy — mangga ( nandukmay at tsokonan), langka o latex-free jackfruit, durian, rambutan at marami pang iba. Naniniwala ako na makatuturan ang naturang proyekto lalo na nga kung iisipin na malaking bahagi ng mga kabundukan sa ating lalawigan ay kinalbo ng mga mapagsamantalang illegal loggers.

Kung mamarapatin ng bagong pangasiwaan ng lalawigan, simulan kaagad ang pagtuturo sa ating mga ka-lalawigang magbubukid ng iba’t ibang teknolohiya ng pagtatanim ng naturang mga fruit-bearing trees — mga makabagong teknolohiya na tulad ng double at triple root stock, top-working sa mga mangga na hindi namumunga, at iba pang paraan na makapagpapabunga sa mga punongkahoy para sa kapakinabangan ng mga magsasaka.

Nagkataon na ang ganitong proyekto ay matagumpay nang naisasagawa sa ating lalawigan sa pamamagitan ng nag-iisang pomologist sa Pilipinas — si Dr. Bernie Dizon, isang alumnus ng Central Luzon State Univesity ( CLSU). Ang kanyang pagiging fruit-bearing tree expert ay napatunayan na sa maraming pagkakataon at sa iba’t ibang lugar sa bansa, tulad ng Danding Cojuanco farm, Atty. Lazatin fruit center, sa lugar ng mga katutubo sa Sitio, Bacao sa military reservation sa Fort Magsaysay, at iba pa.

Isang magandang halimbawa na dapat pamarisan ng NE leadership ang isang manggahan sa aming barangay sa Batitang, Zaragoza; natatamnan ito ng mahigit na 100 tsokonan mango variety na lahat ay namumunga.

Ang proyektong ito, kung matutuloy, ay magiging karugtong ng programa ni Gob. Cherie Umali; naniniwala ako na ito ay ipagpapatuloy naman ni Gob. Oyie Umali.

-Celo Lagmay