Mister, suspek sa pagkatay kay misis

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

May lead na ang Parañaque City Police sa sumaksak sa isang ginang sa loob ng bahay nito sa nasabing lungsod, nitong Martes, Hunyo 11.

KATAY_ONLINE

Ayon kay Maj. Fernando Carlos, officer-in-charge ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), nagtamo ng mahigit 100 saksak sa katawan at palo sa ulo si Cristina Escaña Torres, 29, sa bahay nito sa Saint Jude Street, Multinational Village, Barangay Moonwalk, Parañaque City, bandang 4:30 ng hapon.

Ayon pa kay Maj. Carlos, kabilang sa  kanilang “persons of interest” ang mister ng biktima na si Noel Torres y Suelto, nasa hustong gulang, at ang ilang construction workers na nagtatrabaho sa gusali na katabi ng bahay ng biktima.

Isinama sa interogasyon ang mister ng biktima dahil posible umanong nagseselos ang lalaki sa ginang dahil bago sila nagkakilala noong 2006 ay sinasabing may karelasyon si Cristina, at hanggang sa nagpasyang magpakasal ang mag-asawa noong 2018.

Sa unang inilabas na report, si Noel ang nakadiskubre sa bangkay ng biktima sa kanilang guest room habang malapit sa bangkay ang wooden figurine na sinasabing ginamit sa pagpukpok sa ulo ng ginang, at nagkalat ang mga gamit at sira ang vault na naglalaman ng mga dokumento at wala umanong lamang cash o alahas.

Sa pahayag pa ni Noel, nawawala ang cell phone ng kanyang misis, na nagkakahalaga ng P66,000; P2,000 cash, mga alahas na aabot sa P30,000.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

-Bella gamotea