PhilHealth chief, 6 pa, nag-resign na

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque III na pitong pinakamatataas na opisyal ng PhilHealth ang nagsumite na ng kani-kanilang courtesy resignations.

PHILHEALTH

“Nag-submit na ng courtesy resignation ang mga presidential appointees to the PhilHealth board, kasama si [Dr.] Roy Ferrer (acting chief),” sinabi ni Duque sa panayam.

Bukod kay Ferrer, nagsumite rin ng kani-kanilang courtesy resignations sina Roberto Salvador, Celestina Dela Serna, Joan Cristine Reina Liban-Lareza, Hildegardes Dineros, Rex Mendoza, at Jack Arroyo.

Sinabi ni Duque na mananatili sa puwesto ang anim na opisyal hanggang sa “the President accepts officially their courtesy resignation”, samantalang awtomatiko namang epektibo ang pagbibitiw sa puwesto ni Ferrer.

Matatandaang hiniling ng Presidente ang courtesy resignation ni Ferrer at ng mga board member ng PhilHealth nitong Lunes kasunod ng pagkakabunyag ng mga maling pagbabayad ng claims ng ahensiya sa mga dialysis patients na patay na pala.

Una nang sinabi ni Duque na si PhilHealth Executive Vice President John Basa ang tatayong officer-in-charge sa ahensiya sa pagbabalik nito galing sa ibang bansa sa Lunes.

Kasabay nito, binalaan ni Duque ang mga healthcare providers at mga opisyal ng PhilHealth na itigil na ang kanilang katiwalian at ang mga ginagawang “hokus pokus” sa pondo ng ahensiya, dahil tutugisin at pananagutin sila ng pamahalaan.

“As the Health Secretary and ex-officio Chairman of PhilHealth, I am warning all health providers and PhilHealth officials in the strongest possible terms: do not cheat the system nor even attempt to do it,” babala ni Duque.

“Tama na ang hocus pocus. Maraming Pilipinong may sakit ang umaasa sa tulong na ibinibigay ng PhilHealth,” dagdag pa ni Duque.

-Analou De Vera at Mary Ann Santiago