DH, dinukot at ginahasa ng Kuwaiti cop

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Isang Pilipinang household service worker (HSW) ang dinukot at hinalay ng isang tumulong sa kanya sa loob ng airport sa Kuwait, nitong Hunyo 4.

PINAY (22)

Ito ang nakumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) matapos makipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas sa Kuwait.

Nanawagan din ang DFA sa Kuwaiti government para sa agarang pag-aresto sa suspek na pulis na si Fayed Naser Hamad Alajmy, 22.

Sa ulat sa DFA ni Embassy Chargé d’ Affaires Mohd Noordin Lomondot, nagpalabas na ng warrant of arrest ang Kuwaiti court  laban sa suspek.

Natuklasan aniya nila na ang suspek ay umalalay sa naturang overseas Filipino worker (OFW) para sa finger scanning registration sa airport nang dumating ito sa Kuwait, nitong Hunyo 4.

Sinasabing pagkatapos ng finger scanning registration, dinukot umano ng naturang pulis ang Pinay at ginahasa.

Nakikipagtulungan na aniya sila sa employer ng nasabing Pinay kaugnay ng kaso.

Nangako naman ang DFA na gagawin ng gobyerno ang lahat ng hakbang upang makamit ng biktima ang hustisya.

Ikinadismaya naman ng Malakanyang ang insidente.

-Bella Gamotea at Argyll Cyrus B. Geducos