PetroGazz, liyamado sa PVL

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

Mga Laro Ngayon

(Filoil Flying V Centre)

2:00 n.h. — Creamline vs BaliPure

4:00 n.h. — PetroGazz vs BanKo-Perlas

MAITULOY kaya ng Petro Gazz ang dominasyon o matuklasan na ng kanilang mga katunggali ang kanilang kahinaan?

Ang katanungang ito ang mabibigyan ng kasagutan sa pagsalang ng Angels kontra Banko Perlas sa pagbubukas ng ikalawang round ng PVL Season 3 Reinforced Conference ngayon sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Winalis ng Petro Gazz ang unang round at hindi lamang basta-bastang sweep ang kanilang ginawa dahil wala silang ipinatalo kahit isang set sa limang laro sa pamununo ng kanilang magagaling na imports na sina Janisa Johnson at Wilma Salas.

Ngunit, sa kabila ng naitala nilang dominasyon, pinaalalahanan ni coach Arnold Laniog ang kanyang mga players na huwag maging complacent dahil tiyak na mas paghahandaan sila ng husto ng kanilang mga katunggali ngayong second round.

Sa kabilang dako, magkukumahog naman ang Perlas Spikers na makabawi sa kabiguang nalasap sa kamay ng Angels noong first round upang umangat sa kinalalagyang ika-4 na posisyon sa standings taglay ang markang 2-3.

Inaasahang muling mangunguna sa Banko sina imports Kia Bright at Yasimin Yildrim ng Turkey kasama ng mga key local players na sina Nicole Tiamson, Dzi Gervacio at Kathy Bersola.

Sa tampok na laban, patatatagin naman ng defending champion Creamline (3-1) ang kapit sa ikalawang posisyon sa pagsagupa nila sa winless namang Balipure.

Magtatapat ang Cool Smashers at Water Defenders ganap na 2:00 ng hapon bago ang salpukan ng Angels at Perlas Spikers na magsisimula ng 4:00 ng hapon.

-Marivic Awitan