Paggastos sa PhilHealth funds, ipinasisilip

Filed under Kalusugan Balita RSS RSS Feed

Nanawagan si Senator Risa Hontiveros ng agaran at kumprehensibong imbestigasyon sa paggamit ng PhilHealth sa pondo nito, kasunod ng mga ulat na nagbayad ang ahensiya ng dialysis treatment para sa mga pasyenteng non-existent.

PHILHEALTH

Kasabay nito, kinumpirma ngayong Huwebes ng mga opisyal ng PhilHealth na kinasuhan na nila ang klinikang sangkot sa nasabing kontrobersiya para tuluyan na itong matanggala ng accreditation.

Ang pahayag ni Hontiveros, vice chairwoman ng Senate Committee on Health and Demography, ay kasunod ng pagbubunyag ng isang whistleblower na inaprubahan umano ng PhilHealth ang mga kuwestiyonableng claims at naglabas ng pondo para sa ghost dialysis, o gamutan na hindi naman talaga nangyari, para sa kapakinabangan umano ng mga pekeng klinika.

“The gravity of the allegations should prompt government to check if every peso under the PhilHealth is indeed being used in a manner compliant with laws and the PhilHealth’s mandate. We cannot allow fraud and greed to impede the effective delivery of health services to the people,” aniya.

KAWAWA ANG TOTOONG MAY SAKIT

Sakaling totoo ang nasabing alegasyon, nangangahulugan itong hindi lang basta nandaya sa pondo ng gobyerno, kundi napagkaitan din ang napakaraming Pilipino ng pagkakataong makapagpagamot nang libre na maaaring magpagaling sa kanilang sakit, o maisalba nang tuluyan ang kanilang buhay, ayon kay Hontiveros.

Naging PhilHealth board member simula 2014 hanggang 2015, idinetalye ni Hontiveros ang naging pagbubunyag ni Edwin Roberto, dating empleyado sa isang laboratory center sa Quezon City, kung magpa-file at kukubra ng claims para sa dialysis treatment, hindi lang ng mga taong namatay na, kundi ng mga aktuwal na pasyenteng hindi nakumpleto ang kanilang gamutan.

Bahagi rin ng scheme ang pagke-claim ng mga pasyente sa PhilHealth, alinsunod sa dialysis package, kahit wala namang gamutang nangyari.

“This scheme not only steals funds from government, but may have also led to the deaths of people who would have otherwise benefited from PhilHealth’s programs. A response from government is needed,” ani Hontiveros.

NAKASUHAN NA

Depensa naman ni Dr. Roy Ferrer, President-CEO ng PhilHealth, sa presscon ngayong Huwebes sa tanggapan nito sa Pasig City, hindi tinutulugan ng ahensiya ang mga kahalintulad na reklamo.

Sa katunayan, aniya, Pebrero ngayong taon ay sinuspinde na ng PhilHealth ang pagbabayad sa claims ng Wellmed Dialysis Center, at nakapaghain na rin ng 28 kasong administratibo laban dito upang tuluyang matanggalan ng akreditasyon.

Maghahain din ng kasong kriminal ang PhilHealth laban sa Wellmed sa mga susunod na araw.

Sinabi pa ng mga opisyal ng PhilHealth na welcome sa kanila ang paglantad ng mga whistleblower para isiwalat sakaling may nangyayari ngang kurapsiyon sa ahensiya, kasabay ng pag-amin na mahirap matukoy ang mga fraudulent claims, lalo na kung pepekein ang pirma ng pasyente.

-Mario Casayuran at Mary Ann Santiago