Pangungunahan ng East Timor ang pagre-recycle ng plastik

Filed under Editoryal Balita RSS RSS Feed

MALAPIT nang kilalanin ang East Timor, isang maliit na bansa na may 1.3 milyong populasyon na umookupa sa kalahati ng isla ng Timor sa hilaga ng Australia, bilang kauna-unahang bansa sa mundo na magre-recycle ng lahat ng basurang plastik nito. Lumagda ito noong nakaraang linggo sa kasunduan sa isang kumpanyang Australian upang magtayo ng isang rebolusyonaryong recycling plant.

Titiyakin ng $40-million planta na walang maibabasurang plastik sa bansa, pangungunahan ang pagbibigay-halimbawa sa buong mundo, na labis ngayong namumroblema sa tumatambak na basura at mistulang isla nang naglutangan na mga basurang plastik.

Mahigit walong milyong tonelada ng plastik ang itinatambak taun-taon sa mga karagatan sa mundo, tulad ng mga plastik na bote, supot, pambalot ng pagkain at gamot, softdrinks straws at stirrers, at China, Indonesia, Vietnam, Pilipinas, at Thailand ang pangunahing pinagmumulan ng mga ito. Karamihan sa mga plastik, dahil non-biodegradable, ay maaaring tumagal nang hanggang 450 taon nang hindi nabubulok. Natatakpan na ng naglutangang plastik na basura ang malaking bahagi ng maraming dagat, na nagdudulot ng panganib sa mga lamang-dagat na inaakalang pagkain ang mga plastik.

Gagamit ang planta ng East Timor ng chemical technology upang gawing likido o gas ang mga basurang plastik na maaaring magamit upang lumikha ng iba pang mga produkto. May mga kaparehong planta na rin na pinaplano sa Canada, Australia, at Britain na gagamit ng katulad na teknolohiya. Subalit inaasahang ang East Timor ang unang bansa na maisasakatuparan ang pangkalahatang pagre-recycle ng basura.

Sinusubukan na rin sa iba pang bahagi ng mundo ang iba pang paraan upang mag-recycle ng plastik. Sa India, ang mga basurang plastik ay hinahaluan ng bitumen at ginagamit sa paggawa ng mga kalsada. Patuloy ding naghahanap ng paraan ang mga siyentista upang mag-produce ng plastik na biodegradable, at kalaunan ay mabubulok gaya ng iba pang gamit sa bahay, tulad ng kahoy at tela.

Dahil sa mga pag-aaral na ito, darating ang panahon na hindi na poproblemahin ng mundo ang mga plastik, tulad ngayon. At ang munting bansa ng East Timor ay magkakaroon ng espesyal na pagkilala dahil sa pandaigdigang pagsisikap na ito. Ito ang magiging unang bansa sa mundo na nag-recycle ng lahat ng plastik nito, nagbibigay ng halimbawa sa iba pang mga bansa, kabilang na sa atin, na kasalukuyang ginigiyagis ng matinding problema sa lahat ng klase ng basura.