Music video ng ‘Breakthrough’ ng GT, inaabangan

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

MULA sa pagiging all-girl dance group ng It’s Showtime, mas pinalakas at mas palaban na ngayon ang pinagsanib-puwersa at talento na pitong miyembro ng bagong GirlTrends, na ngayon ay tatawagin nang GT, sa paglulunsad sa kanila bilang pop group.

GT

Bagong look at isang debut single ang unang handog nina Mica Javier, Krissha Viaje, Chie Filomeno, Mikee Agustin, Sammie Rimando, Joana Hipolito, at Dawn Chang sa pagbabagong bihis ng grupo bilang recording artists at performers.

Pinamagatang Breakthrough ang single ng grupo, na isinulat at produced ng member na si Mica, hatid ang mensahe ng women empowerment at pagiging positibo sa kabila ng mga dagok sa buhay. Kinunan ang sexy videos ng GT kung saan nakasuot sila ng two-piece swimwear sa isang beach sa Pangasinan.

Sa bagong GT, isa sa lead vocalists si Mica, na isa ring music producer, indie artist, at theater and film actress. Kasama niya sa lead vocals ang family breadwinner na si Krissha, na una nang ipinamalas ang galing sa pagkanta nang manalo bilang isa sa representatives ng bansa sa global talent competition sa Japan na Nodojiman the World noong 2017.

Lead dancer naman ng grupo ang host-actress na si Dawn, na sumikat para sa dance covers niya mula nang sumali sa Pinoy Big Brother noong 2015. Game rin sa hatawan ang main dancer na si Joana, isang dating university cheerleader at It’s Showtime dancer.

Kilala naman si Chie sa kanyang prangka at masiglang personalidad, palabang social media posts, at pagiging isang professional racer. Produkto rin ng PBB ang makulit at masayahing si Mikee, na isa ring online sensation dahil sa kanyang song covers.

Samantala, si Sammie, 21, ang pinakabatang miyembro ng grupo at isa sa mga pinakakilalang Pinoy stars sa app na TikTok.

Dapat ding abangan ng fans ang music video ng Breakthrough, na nilikha ng isang all-female crew, sa pangunguna ng direktor na si Sol Garcia. Production designer si Lars Magbanua, at editors sina Mai Dionisio at Alliyah Laurente.

Kasama rin sa pagbubuo nito ang executive producer na si Dess Inocencio-Madali, associate producer na si Krstyn Mistica, segment producers na sina Reeza Garcia-Laguio at Seline Tan Ong Tan, production assistant na si Dolly Lastimada, at stylist na si Icah Villanueva.

-Ador V. Saluta