Trillanes ‘walang hiya’, Digong ‘henyo’

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ipinagkibit-balikat lang ni Senator Antonio Trillanes IV ang mga huling batikos ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kanya makaraang ituro siyang utak sa nag-viral na “Ang Totoong Narco-list” videos ni alyas “Bikoy”.

TRILLANES

Sa kanyang speech sa Davao City nitong Huwebes, tinawag ni Duterte si Trillanes na “walang hiya” sa paggamit umano sa posisyon nito at “binaboy” ang Senado, at ginamit “to run after people”, kasunod ng pagsuko ni Peter Joemel Advincula, na nagpakilalang si Bikoy sa nasabing videos.

Sa kanyang pahayag nitong Huwebes, binaligtad ni Advincula ang nauna niyang pahayag sa video at sa una niyang paglantad nitong Mayo 6 kaugnay ng pagdawit niya sa ilang miyembro ng pamilya Duterte sa kalakalan ng ilegal na droga.

Nitong Huwebes, sinabi ni Advincula na “scripted” ang lahat ng nasa video at itinuro si Trillanes at ang Liberal Party na may pakana sa videos upang mapatalsik umano sa puwesto si Duterte.

“Pinaaral kayo sa PMA, medyas, sapatos ninyo, T-shirt, pagkain, lahat gastos ng tao. Then you have the gall to stage a mutiny,” sabi ni Duterte, pinatutungkulan si Trillanes.

“After that the President was so unpopular, nanalo itong si Trillanes. At ano’ng ginawa mo? Binaboy mo ang Senado, and you used that power to run after people,” anang Pangulo.

“Hindi nila (militar) alam, karami mong kotse, tapos karami mong properties na nakalista sa ibang tao. Ikaw ‘yung number one na naggagamit ng dummy. Lalabas din ‘yan.

“Walang hiya ka. Hindi ka lalaki,” dagdag pa ng Presidente.

Matatandaang kaagad na itinanggi ni Trillanes at ng LP ang isiniwalat ni Advincula, at sinabing ang pahayag nito ay “another ploy of the administration to harass the opposition”.

Ngayong Biyernes, sinagot ni Trillanes ang nabanggit ni Duterte tungkol sa pagkakaroon niya umano ng dummy.

“Ayan ka na naman. Hindi ka pa nga nakakabawi sa kapalpakan mo dun sa inimbento mong offshore bank accounts na bintang mo sa ‘kin, pati na rin dun sa mga sinabi mo laban sa Nanay ko, tapos may bago ka na namang bintang,” ani Trillanes.

“This time si Bikoy naman ang source mo. Henyo ka talaga, Duts,” dagdag ng senador.

Una nang sinabi ni Trillanes na pinag-aaralan na niyang kasuhan si Advincula kaugnay ng pagdadawit nito sa kanya sa isyu.

-Vanne Elaine P. Terrazola at Argyll Cyrus B. Geducos