Pamilya ni Arjo, botong-boto kay Maine

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ipinakilala na ni Arjo Atayde si Maine Mendoza sa kanyang pamilya nitong Huwebes—at botong-boto silang lahat sa “napakasimple at marespetong” dalaga.

MAINE

Kinumpirma ni Sylvia Sanchez ang sabi sa amin ng ArMaine fan na pumunta si Maine sa bahay ng mga Atayde nitong Huwebes, bandang 6:00 pm.

“Si Meng (Maine) nasa bahay nina Arjo now,” sabi ng tumawag sa amin na hindi naman nagpakilala.

Kaya kaagad naming tinanong si Sylvia tungkol dito, at matipid na “oo” ang sagot niya sa amin.

Abala si Sylvia kaya hindi na namin kinulit pa, kaya ngayong Biyernes ay tinawagan na namin siya tungkol kay Maine.

“Oo, ipinakilala na ni Arjo si Maine sa amin kahapon. Sino nagsabi sa ‘yo?” balik-tanong sa amin.

Sabi namin na ArMaine fan ang nagsabi sa amin na nasa bahay nila si Maine kagabi.

“Oo nandito si Maine nag-dinner. Ipinakilala siya ni Arjo, sakto nandito lahat mga pamangkin ko. Si Mama ko, eh, ‘di ba close si Arjo sa lola niya,” sabi ng aktres.

“Actually nu’ng nasa Hong Kong pa lang kami tinatanong na ako ni Arjo kung ano ang lakad namin ng Thursday, sabi ko ‘wala, bakit?’ Kasi Wednesday balik namin from Hong Kong, so pahinga ng Thursday. Tapos nabanggit nga ni Arjo na isasama niya si Maine.”

Siyempre unang tanong namin, anong masasabi nila kay Maine?
“Sa totoo lang, gusto ko siya, kasi napaka-warm niya. Pagpasok pa lang sa pinto, nakangiti na, at lahat binati niya, mga pamangkin ko, Mama ko, Daddy ni Arjo. Basta lahat ng nasa bahay nang ipakilala sa kanya, binati niya lahat.

“Pati nga si Rose (cook), kasi pinaakyat ko, may sinabi ako, nakita siya ni Arjo, ipinakilala niya si Maine. Sabi niya, ‘si Ate Rose, cook namin’, at nag-hi si Maine.

“Napakasimple ni Maine, marespeto. Wala akong naramdaman na [feeling] ‘ako si Maine Mendoza’, o ‘sikat ako’. Napaka-jolly niya. Basta simpleng tao. Ganu’n ‘yung ugaling gusto ko,” masayang sabi ng Mama ni Arjo.

Sa madaling salita, boto ang pamilya Atayde kay Maine. Ang ganda ng feedback nila sa dalaga.

Nasa bahay din ang mga kaibigan ni Ibyang, na nakasama niya sa Hong Kong, kaya nakilala rin nila si Maine. Lahat sila ay thumbs up sa babaeng mahal ni Arjo.

Siyempre tinanong namin kung napag-usapan sa dinner ang plano nina Arjo at Maine.

“Ay walang mga ganu’n usapan, walang tungkol sa bashing, wala lahat. Kaswal na usapan lang ng kung anu-ano,” kuwento pa ni Ibyang.

Humingi kami ng litrato nila ni Maine sa ginanap na dinner.

“Naku walang picture-picture, ayaw ni Arjo. Ayaw niya ng may post-post, ayaw ng showbiz. Kung hindi ka nga nagtanong hindi ko sasabihin sa ‘yo.  Sino ba ‘yang tumawag sa ‘yo? Ang bilis naman ng radar,” sabi pa ni Ibyang.

So hindi na lang exclusively dating sina Arjo at Maine, dahil ipinakilala na nila ang isa’t isa sa kani-kanilang pamilya.

-Reggee Bonoan