P106M jackpot, nasolo ng Cebuano

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Sinolo ng isang Cebu ang mahigit P100-milyon jackpot sa Lotto 6/42 matapos niyang matsambahan ang winning combination na binola nitong Martes ng gabi, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

JACKPOT_ONLINE

Nasapul ng taga-Cebu ang winning combination na 19-34-25-01-04-13, na may total jackpot prize na P107,289,200.80.

Ayon sa PCSO, ang masuwerteng ticket ay binili sa isang outlet sa Toledo City, Cebu.

Tatapyasan pa ang nasabing panalo ng 20 porsiyentong buwis, alinsunod sa TRAIN Law, na nangangahulugang kukubra ang pamahalaan ng P21,457,840.16 mula sa nasabing jackpot.

Samantala, may kabuuang 58 tumaya ang nanalo ng tig-P24,590 makaraang matayaan ang lima sa anim na winning numbers, o silang mga nagmuntikan sa jackpot.

Upang makubra ang panalo, pumunta sa main office ng PCSO sa Mandaluyong City, at magprisinta ng dalawang valid ID para makuha ang kani-kanilang tseke.

Nitong Mayo 12 lang, mahigit P140-milyon jackpot naman ang solo ring napanalunan ng tumaya sa Super Lotto 6/49, mula sa Maynila, habang mahigit P79 milyon ang na-jackpot din sa Ultra Lotto 6/58 ng isang taga-Zambales.

-Jel Santos