Kumatay sa 2 anak, tinopak?

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Nasa kustodiya na ng pulisya ang 30-anyos na ginang na umano’y pinagtataga hanggang sa mapatay ang dalawa niyang anak, at napugutan pa ang isa sa kanila, sa Sta. Cruz, Occidental Mindoro.

MOTHER

Sinabi ni Lt. Col. Socrates Faltado, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-4B, na kinukumpirma na nila kung totoong nasiraan ng bait ang suspek, na kabilang sa tribung Alangan Mangyan.

Ayon kay Faltado, mga kapitbahay ang nakadiskubre sa nakakikilabot na pamamaslang ni Dida Juliata Cabudyok, sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Landing, Barangay Pinagturilan, nitong Biyernes.

Nang dumating ang mga pulis, nakita nila sa kama ang dalawang anak ng suspek.

Napugutan ng ulo sa matinding taga na tinamo ang isang taong gulang na lalaki, habang muntik na ring humiwalay ang ulo ng nakatatandang kapatid nitong babae dahil sa mga taga.

Sinabi ni Faltado na wala ang ama ng magkapatid nang mangyari ang krimen.

Kakasuhan si Cabudyok ng dalawang bilang ng parricide.

“Allegedly, the mother is suffering from mental illness but we will leave proper authorities to confirm that,” sabi ni Faltado.

-Aaron Recuenco