Shabu sa instant noodles, buking sa dalaw

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Makakasama na ng isang drug suspect ang kanyang ina sa bilangguan matapos na maaresto ang ginang at kasabwat nito nang nagtangka umanong magpuslit ng shabu, na isinilid sa pakete ng instant noodles, sa presinto ng Angono Municipal Police sa Rizal.

NOODLES

Kinilala ni Rizal Police Provincial Office Director Col. Lou Evangelista ang mga naaresto na sina Divina Dizon, 52, ng Karangalan Village, Pasig City; at Marimar Santos, 21, ng New Lower Bicutan, Taguig City.

Batay sa naantalang ulat ng Angono Municipal Police, nabatid na dakong 5:30 ng umaga nitong Martes nang makatanggap ng tip ang mga awtoridad na isang alyas “Divina” ang magpupuslit ng droga para sa kanyang anak na nasa piitan, kaya inabangan siya ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team, sa pangunguna ni CMS Dennis Hernandez.

Dakong 12:00 ng tanghali nang dumating si Dizon sa presinto, na nasa Bgy. San Isidro, Angono, at nagpaalam na dadalawin at hahatiran ng tanghalian ang nakapiit na anak na si Jeffrey Dizon, na nahaharap sa kasong ilegal na droga.

Bilang bahagi ng standard operating procedure (SOP), isinailalim ang ginang at mga dala nito sa inspeksiyon hanggang sa marekober ang anim na maliliit na pakete ng shabu sa loob ng lalagyan ng instant noodles, kaya kaagad siyang inaresto.

Natukoy naman ng mga awtoridad na may kasabwat si Divina na naghihintay sa labas ng presinto, kaya inaresto rin ito, at nang kapkapan ay nakumpiskahan umano ng dalawang pakete ng shabu.

Ang mga suspek ay kapwa nakapiit na rin at kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).

-Mary Ann Santiago