‘Kuwaresma’, nakakatawang nakakatakot

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

KUNG kinilig ang mga nakapanood ng Between Maybes ay gulatan naman ang hatid ng pelikulang Kuwaresma nina Sharon Cuneta, Pam at Ken Gonzales at ang nag-iisang John Arcilla mula sa direksyon ni Erik Matti mula sa Reality Films at Globe Studios.

Sharon at John

Sinimulan ang kuwento noong 1980’s na flashback tungkol sa masayang pamilya pero sa hindi malamang dahilan, pinatay ng padre de pamilya ang kanyang asawa at anak. Ang yaya ng bata ay biglang umalis nang walang sabi-sabi.

Sa madaling salita, ang bahay na tinirhan nina Sharon at John kasama ang mga anak ang bahay na pinangyarihan ng krimen.

Kambal sina Pam at Ken bilang sina Manuela at Luis at sobrang close sila kaya nang umalis ang huli sa bahay nila para mag-aral ay gayun na lang ang sama ng loob ng una dahil iniwan siyang mag-isa ng kakambal.

Hanggang sa pinauwi si Luis ng tatay niyang si John dahil patay na ang kakambal nitong si Manuela na ikinataka niya dahil wala naman itong sakit hanggang sa malaman niyang may kinalaman ang magulang sa pagkamatay ng kapatid.

May dahilan naman pala kaya hindi natanggihan ni Guila Alvarez ang Kuwaresma dahil maganda ang karakter niya. Ang tagal niyang nawala sa harap ng kamera pero naroon pa rin ang husay niya sa pag-arte, huh.

Mahusay sina Sharon at John pero nagulat kami kay Ken na baguhan lang sa showbiz at itong Kuwaresma ang unang sabak niya sa pelikula. Hindi kasi namin akalaing wala siyang experience sa pag-arte dahil ang husay niya.

Kung naaliw tayo sa mga linya ni John sa Heneral Luna ay tiyak na maloloka naman ang lahat sa eksenang pinangangaralan niya si Luis pagdating sa pagpili ng mapapangasawa, kaya tama lang na R-16 ito dahil bukod sa bayolente ang buong pelikula ay sensitibo rin ng ibang lines.

Hindi namin ikukuwento ang twist ng pagkatao ni Luis dahil malaking factor pala talaga kung paano at bakit namatay ang kakambal niya.

Sa Baguio ang location ng Kuwaresma. Nabanggit ni Direk Erik na ang plano nila ay gumawa lang ng pelikula mura, na kasabay na rin ng bakasyon, pero ang ending, napamahal sila dahil ang daming nadagdag.

Anyway, star-studded ang ginanap na premiere night ng Kuwaresma nitong Lunes sa SM Megamall Cinema 1 at ang reaksyon ng mga nakapanood, “nakakatawang nakakatakot” ang pelikula.

-Reggee Bonoan