1 patay, 78 pamilya nasunugan sa Caloocan

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Isa ang patay habang nasa P1.2 milyong halaga ng ari-arian ang naabo sa isang residential area sa Nadurata Street, Barangay 49, Caloocan City, nitong Martes.

(kuha ni Jun Ryan Arañas)

(kuha ni Jun Ryan Arañas)

Kinilala ni Supt. Stephen Requina, city fire marshal, ang nasawi na si Alice Simbulan, 46.

Ayon kay Requina, nakulong si Simbulan sa kanilang nasusunog na bahay.

Maaaring ito ay na-suffocate nang bumalik siya upang sagipin ang kanilang mga gamit at tangkaing patayin ang apoy.

Dalawang tao ang sugatan, kabilang ang isang residente na nagtamo ng first degree burn at bumbero na nagtamo ng paso.

Nasa 78 pamilya ang nawalan ng tirahan, dagdag ni Requina.

Aniya, nagsimula ang sunog sa isang bahay, sa ganap na 3:35 ng hapon.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog pagsapit ng 3:48 ng hapon sa mabilis nitong pagkalat dahil ang bahay at ang mga katabi nito ay gawa sa light materials.

Naapula ang apoy bandang 5:42 ng hapon.

Patuloy na inaalam ang sanhi ng insidente.

-Joseph Almer B. Pedrajas at Orly L. Barcala