NU Spikers, humirit sa No.2 ng UAAP Finals

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

ni Marivic Awitan

WINALIS ng reigning titlist National University ang Adamson University, 25-19, 25-16, 25-20, upang makamit ang ikalawang upuan sa UAAP Season 81 Men’s Volleyball Finals kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ito ang ikapitong sunod na pag-usad sa kampeonato ng topseed Bulldogs kung saan makakatunggali nila ang nauna ng umusad na Far Eastern University, ang koponang kanilang nakatunggali nang makamit nila ang una nilang korona noong Season 75.

Pinalawig din ng nasabing panalo hanggang 14 na ang naitala nilang winning run matapos mabigo sa opening ng season kontra Tamaraws.

“Ito talaga ‘yung goal namin noong simula pa lang ng game and sana magtulu’y tuloy hanggang Finals,” pahayag ni Bulldogs coach Dante Alinsunurin.

Pinangunahan ni middle blocker Kim Malabunga ang nasabing panalo sa ipinoste nitong 17 puntos mula sa walong hits, walong blocks at isang ace.

Hindi pinaporma ng NU sa kabuuan ng laro ang Falcons matapos idikta ang tempo ng laro sa kada set.

Namuno naman si Leo Miranda sa tumapos na pang-apat na Falcons sa iniskor niyang 11 puntos.

Gaganapin ang Game 1 ng Finals sa susunod na Sabado, Mayo 11.