Sekyu, huli sa pangingikil ng P300K

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Naghihimas ng rehas ang isang security officer nang kikilan umano ng P100,000 ang isang Chinese sa Makati City, nitong Huwebes.

SEKYU_ONLINE

Nasa kustodiya ng Makati City Police si Gilbert Suarez y Ariola, 49, ng No. 20 Igorot Street, Igorot Village, Valle Golf, Cainta, Rizal.

Kinilala ang biktima na si Jinhua Xie, 29, tumutuloy sa isang condo unit sa Metropolitan Avenue, Makati City.

Sa ulat, nagsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), sa pangunguna ni Maj. Gideon Ines, Jr., laban sa suspek sa tapat ng isang fastfood chain sa Makati Avenue, malapit sa kanto ng JP Rizal Street sa nasabing lungsod, bandang 3:20 ng hapon.

Una rito, humingi ng tulong si Xie kaugnay ng sapilitang paghingi ng suspek ng P300,000, kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso laban sa kanya para sa Cyber Access Device Act at hindi pagre-report sa Bureau of Immigration dahil ilegal na pananatili sa bansa.

Nakiusap ang Chinese sa suspek at nagkasundo sa halagang P100,000 at nakipagkita sa Makati Avenue, Bgy. Poblacion.

Dinakma nina S/Sgt. Baldomar at Cpl. Lopez ang suspek nang tanggapin ang P100,000 marked money mula sa dayuhan.

Isasailalim ang suspek sa inquest proceedings para sa kasong robbery extortion.

-Bella Gamotea