P1.1-M ‘shabu’, nasamsam sa 4

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Arestado ang apat na umano’y drug pusher nang makuhanan ng P1.1 milyong halaga ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu, sa buy-bust operation sa Taguig City, ngayong Biyernes.

SHABU_ONLINE

Dinampot sina Joseph Marcelo, 41; Ronald Kerwin Bustos, 32; Anthony Cruz, 41; at Robert Saligan, 40, ng mga elemento ng National Capital Region Police Office (NCRPO)’s Regional Drug Enforcement Unit (RDEU); Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Taguig City Police Station.

Ayon kay Police Major General Guillermo Eleazar, NCRPO director, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba sa kahabaan ng C6 Road sa Barangay Napindan, dakong 12:30 ng madaling araw.

Aniya, nag-ugat ang operasyon sa tip ng isang sibilyan hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek, na iniuugnay din sa criminal gang na posibleng sangkot sa gun-for-hire activities sa southern Metro Manila.

“The RDEU, PDEA and Taguig police conducted a buy-bust operation after months of surveillance and case buildup against a criminal gang which is not just involved in illegal drugs but also in illegally possessed firearms,” aniya.

Sa inisyal na imbestigasyon, nakabili ng P100,000 halaga ng hinihinalang shabu ang police poseur-buyer sa mga suspek sa loob ng kanilang sasakyan na nakaparada sa C6 Road.

Nang matapos ang transaksiyon, sumenyas ang undercover cop sa backup team at mabilis na nagtungo sa sasakyan at inaresto ang mga suspek.

Narekober sa mga suspek ang anim na pakete ng hinihinalang shabu, na may timbang na 165 gramo at nagkakahalaga ng P1,122,200.

Nakuha rin sa mga suspek ang isang caliber .45 pistol, 9mm pistol at granada.

“These are the kind of groups that we are monitoring because the elections is near. Aside from selling drugs, these criminal gangs might also be used as gun-for-hire suspects,” diin ni Eleazar.

Idiniretso ang mga suspek sa NCRPO-RDEU detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City para sa dokumentasyon.

Kinasuhan ang mga suspek sa paglabag sa Sections 5 (drug selling), 11 (possession) at 26 (attempt or conspiracy) ng Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 in relation to the Omnibus Election Code and Commission on Elections (Comelec) gun ban.

-Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea