Parak, 2 ‘tulak’, utas sa buy-bust

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Isang pulis at dalawang umanong drug suspect ang napatay sa buy-bust operation sa Antipolo City, nitong Martes ng gabi.

SHOOTOUT

Kinilala ni Rizal Police Provincial director, Col. Lou Frias Evangelista ang napatay na pulis na si Patrolman Ariel Dapyawan, habang sugatan ngunit nasa maayos nang kondisyon si S/Sgt Joseph Monjardin, kapwa nakatalaga sa Antipolo City Police Headquarters.

Patay din ang dalawang suspek na sina alyas Laon at Etchay, kapwa taga-Sitio Sagipin, Barangay De La Paz, sa Antipolo.

Sa ulat ng Antipolo Police, nagkasa sila ng buy-bust operation laban sa mga suspek sa Sitio Sagipin, dakong 6:20 ng gabi.

Nang maisagawa ang transaksiyon, nahalata ng mga suspek na pulis ang kanilang katransaksiyon, at tumakbo at pumasok sa kalapit na bahay kung saan kumuha ng baril.

Pinaputukan umano ng mga suspek ang mga pulis kaya napilitang makipagbarilan ang mga ito.

Tinamaan ng mga suspek sina Monjardin at Dapyawen, at napatay naman sina Echay at Laon.

Narekober sa operasyon ang isang shotgun at isang cal. 38 revolver.

-Mary Ann Santiago