Hustisya, giit ng pamilya sa doc slay

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

CALBAYOG CITY, Samar – Hustisya ang hiling ng pamilya ng pinaslang na 69-anyos na si Dr. Vicky Rumohr, isang orthodontist, sa Calbayog City, Samar, kamakailan.

HUSTISYA

Ayon sa pamilya, maging ang kapulisan ay blangko sa motibo ng pagpatay dahil na rin sa walang record na nasangkot ang biktima sa anumang away at kilala ito sa kanilang lugar na isang butihing tagapagtaguyod ng pamilya.

Sinabi ng pulisya, sakay ang biktima ng kanyang pick-up truck habang binabagtas ang Magsaysay Extension, malapit sa Christian New Life Academy, ng nasabing bayan nang maganap ang krimen, nitong Abril 15, dakong 4:30 ng hapon.

Sa testimonya ng testigo, dinikitan ng dalawang lalaking nakamotorsiklo ang biktima at kaagad na pinaputukan sa kaliwang pisngi na lumagos sa batok na kaagad niyang ikinamatay.

Umaapela rin sa publiko ang pamilya ng biktima na makipagtulungan sa mga awtoridad sa ikalulutas ng kaso.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso upang madetermina ang mga anggulong posibleng motibo sa krimen.

Idinagdag pa ng pamilya, ito ang ikalawang pagkakataon na namatayan ang pamilya sa kahalintulad na insidente matapos na barilin din ng mga hindi nakikilalang lalaki ang pamangkin nito na si Catherine Rumohr-Johnson, noong 2018.

Nananatili pa ring unsolved ang naturang kaso.