Grocery bagger, ligtas sa pagguho

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Himalang nakaligtas ang 22-anyos na lalaki na naipit ng 16 na oras sa gumuhong Chuzon Porac Supermarket sa Pampanga, nang tumama ang 6.1 magnitude na lindol nitong Lunes.

mde

Nasa maayos nang kondisyon at nagpapagaling sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital sa San Fernando, si Jonie Balicuas, isang grocery bagger, na na-rescue bandang 9:00 ng umaga nitong Martes.

Ayon kay Balicuas, nag-aayos siya ng grocery ng costumer sa supermarket, na nasa groundfloor ng gusali, nang tumama ang lindol.

Ilang hakbang lamang layo niya sa labas ng gusali, ngunit tinamaan ang kanyang ulo ng debris, dahilan upang matumba siya at halos mawalan ng malay. Makalipas ang lindol, natagpuan na lamang niya ang sarili na nakulong sa dalawang pader.

“Walang nakadagan sa akin pero na-trap ako sa dalawang pader… nasa gitna ako. Nandoon lang po ako paikut-ikot. Buti walang naipit,” pagbabahagi niya.

Kinailangan gumawa ng butas ni Balicuas upang makapasok sa kanya ang hangin.

“Kinagat ko po ‘yung damit ko na may pawis tapos sinipsip ko. Kahit papaano nakatulong po na maibsan uhaw ko,” pagkukuwento pa ni Balicuas.

Isang pader lamang ang kanyang layo kay Lourdes Martin, na kinalangan putulin ang kanang binti upang mailabas.

“Kumuha ako ng bato at yero. Nag-ingay po ako. Then narinig po nila. Sabi ko tulungan nila ako. Sabi nila babalik sila kaso yun nga lang po medyo napatagal,” aniya.

Tatlong oras ang inabot bago makabalik ang mga rescuers sa kaniya, ngunit nahirapan ang mga ito na makuha siya dahil sa kanyang delikadong puwesto.

“Hindi po nila alam paano ako kukunin… Nahihirapan po sila sa posisyon ko kasi konting mali lang guguho po ang lahat,” ani Balicuas.

Para sa kanya milagrong maituturing ang nangyari sa kanya lalo’t mapanganib ang makulong sa gumuhong gusali ng 16 na oras.

“Basta ang nasa isip ko nalang po, ayoko pa pong namatay. Gusto ko pang Mabuhay para sa pamilya ko. Gusto ko talaga maka-survive kahit parang medyo alangain na. Talagang nagpursige po ako,” aniya.

-RIA FERNANDEZ