Agency operator, 9 pa, huli sa illegal recruitment

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Napasakamay ng Parañaque City Police ang 10 katao, kabilang ang isang operator ng agency, matapos na ireklamo ng illegal recruitment at estafa, sa entrapment operation sa lungsod, kahapon.

ILLEGAL RECRUITMENT

Nakakulong sina Leany Melanio y De Vera, nasa ustong gulang, operator at may ari ng LJJK Manpower Services na matatagpuan sa 3/F 15-A Victory Food Market, Redemptorist Road, Barangay Baclaran, Parañaque City; Jayvee Viron y Nobleza; Joan Marie Domagtoy y Gadais; Jonalyn Mariano y Maniaul; Jamela Buison y Ebrahim; Edward Cashman y Villanos; Marites Anacaya y Ebanada; Edgardo Marcelo y Sanggalang; Rosannah Demesa y Brugada; at Loube Joevic Laderas y Rivera, pawang empleyado.

Kinilala naman ang isa sa mga complainant na si Geraldine Bernardo, 24, ng Purok 1, Dallao Cordon, Isabela.

Sa ulat, nagsagawa ng entrapment operation ang mga elemento ng Station Intelligence Section, sa pangunguna ni Maj. Anthony Alising, laban sa mga suspek sa LLJK Manpower Services sa nabanggit na lugar, bandang 3:00 ng hapon.

Hindi na nakapalag ang mga suspek nang arestuhin sila ng mga pulis, at narekober ang ilang ebidensiya.

Sinasabing hinihingan ng mga suspek ng pera ang mga aplikante kapalit ng trabaho.

Sa beripikasyon ng Department of Labor and Employment (DoLE), hindi lisensiyado ang nasabing recruitment and placement agency.

Isasailalim sa inquest proceedings ang mga suspek para sa kasong illegal recruitment at estafa.

-Bella Gamotea