Lolo, laglag sa pangmomolestiya

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Arestado ang isang masahista nang molestiyahin umano ang kapatid ng kanyang live-in partner sa loob ng sarili nitong therapy center sa Parañaque City, iniulat ngayong Martes.

LOLO_ONLINE

Kinilala ang suspek na si Julio Sun, 60, massage therapist at may-ari ng Dorn Method Therapy Center. Hawak siya ngayon ng Parañaque City Police.

Sa imbestigasyon, naganap ang insidente sa Sun’s therapy center sa Doña Soledad, Barangay Don Bosco nitong Biyernes bandang 12:40 ng hapon, kung kailan siya hinatiran ng biktima, 19, ng pananghalian, na araw-araw nitong ginagawa.

Ayon sa awtoridad, matapos na mananghalian ng suspek ay inalok nito ng masahe ang biktima dahil mayroon itong scoliosis. Pumayag ang biktima at hinubad ang kanyang damit at nagsuot ng robe.

Sinabi ni Sun sa biktima na isandal ang kanyang likod sa kama at dito hinubad ng suspek ang kanyang pantalon at sinimulang hawakan ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan, ayon sa awtoridad.

Bukod diyan, sinubukan umano ng biktima na tumayo ngunit muling inihiga at nagmakaawa kay Sun, ngunit patuloy na minolestiya. Kalaunan ay sinipa ng biktima ang suspek at tumakas.

Agad na nagsumbong ang biktima sa kanyang ina at kapatid, ngunit hindi sila agad nakapagsumbong dahil sa alalahanin hinggil sa kalagayan ng kapatid ng biktima na buntis.

Pagsapit ng Linggo, ini-report nila ito sa awtoridad at inaresto ang suspek.

Kakasuhan ang suspek sa paglabag sa RA 8353 (Anti-Rape Law of 1997).

-Dhel Nazario